Mula sa simula ng panunungkulan ng adminis­trasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2016, naging malinaw sa mga nasa gabinete, sa mga namumuno ng iba’t ibang ahensya, at maging sa mga kaal­yado sa dalawang kapulungan ng Kongreso, ang direksyong inilatag ng Punong Ehekutibo.

Sa ‘di-matawarang pangunguna ng Pangu­lo, paghahariin ang kapa­yapaan at kaayusan, batas ang paiiralin sa alin mang situwasyon — maging sino ka man. Sa kanyang pag-akay sa mamamayan, papasok ang bansa sa tarangkahan ng ginintuang panahon ng pampublikong pagawa at mga imprastraktura upang padamihin ang pagdami ng pagkakataon sa hanapbuhay, pabilisin ang paglago ng ekonomiya, at iparamdam ang buong kapangyarihan ng pamahalaan sa pagsasaayos ng buhay ng mga Pilipino.

Ngayon, hindi maikaila ng tao ang mala­king kaibahan. Bago pa man mangalahati ang termino ng kasalukuyang pangasiwaan, naipasa na ang mga batas para sa sektor ng revenue generation, pagpapatatag ng mga programa at ins­titusyon, pagkilala sa ambag ng kababaihan sa lipunan, pagpapalaki ng pakinabang ng mga napag-iiwanang sektor, at pagsasaayos ng mga sistema ng pangangasiwa upang mapabilis ang serbisyo publiko.

Napakarami pang iba. Hindi maipagkakasya sa pitak na ito kung ating babanggitin isa-isa, idede­talye bawat pangakong sa kampanyang naisakatuparan na. Ayon nga sa marami sa ating nakakausap, mukhang imposibleng mangyari kung ang nakaupo ay iba.

Sa kasalukuyan, puspusan ang pagkukumahog ng gobyerno upang tugunan ang iba pang kinakailangang isakatuparan — mula bagong mga batas hanggang sa budget, mula sa pagpapanaig ng kapayapaan hanggang sa paglilinis ng kapaligiran at mu­ling pagpapayabong sa kalikasan.

Sabi nga ni Secretary Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office, quota na ang Pangulo. Sabi nu’ng taxi driver na kausap ng tindera sa Dangwa ng minsang mapasyal ako para bumili ng bulaklak para sa aking kabiyak, boundary na ang ating Pangulo.

Women’s month ngayon. Maganda ang timing sa paglagda ng Pangulo sa Republic Act No. 11210 na nagsabatas sa pagpapalawig sa maternity leave ng ating mga empleyadong kababaihan — mapa-gobyerno man o pribado. Kung dati ay mula 60 araw sa gobyerno hanggang 78 araw sa pribado — depende sa paraan ng pagluluwal, gagawin nang 105 araw ang maaaring ipagliban ng mga empleyadong kapapanganak lamang.

Para sa mga solo parent, maaari pang palawigin ito ng kalahating buwan, kung kinakailangan. Sapat na panahon upang tiyakin ang maayos na pa­ngangalaga sa kalusugan ng mga bagong silang na sanggol at ng inang kapapanganak lamang — na hindi apek­tado ang kanilang kita at kabuhayan.

Oo nga pala, nagustuhan ng aking kabiyak, bestfriend, katuwang, maybahay at ina ng aking mga anak ang binigay kong bulaklak noong Valentine’s Day. Ngunit gaya ng madalas nating ituran: Hindi nagtatapos sa araw na iyon at sa mga ibinigay nating date, bulaklak, tsokolate o ano pa mang materyal na bagay ang pagkilala sa kontribus­yon ng mga kababaihan — sa relasyon man sa tahanan o sa mas ma­laking lipunan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes:

<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>