Bago pa man ilabas ng Philippine Statistics Authority ang kanilang mga datos na nakalap hinggil sa ikalawa at huling bahagi ng 2019, inilathala na ng University of Asia and the Pacific (UA&P) at ng First Metro Investment Corporation (FMIC) ang kanilang pagtaya sa paglago ng ekonomiya.

Ang mas mataas na aktwal na pamumuhunan at paglago ng consumer spending, ayon sa UA&P at FMIC ay nag-umpisa nang maipamalas mula sa ikaapat na buwan hanggang mangalahati ang taon at pagbagal sa paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Kasama sa positibong pananaw na ito, ayon sa ulat, ang ibinunsod ng pagtapyas sa policy rates ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong nakaraang buwan. Noong Abril, itinala ng mga pantas sa ekonomiya ang pagbagal ng sa galaw ng presyuhan sa pinakamababang antas sa loob ng labing-anim na buwan, kabilang na ang anim na buwang magkakasunod na pagbagal nito.

Sa ganang akin, ma­laking bahagi ng positibong pagtayang ito sa ekonomiya ang inihatid sa ekonomiya ng kampan­ya para sa nakaraang eleksyon noong Mayo at ang mga bagong polisiyang ibinaba ng pamahalaan upang tugunan ang mga isyu ng El Niño, ang epekto ng Rice Tarrification Law sa kakayahan ng piso at marami pang mapagtugong polisiya na nakaumang sa pagpapabuti ng kalakalan sa bansa.

Sa mga susunod na buwan, habang inuum­pisahan ng gobyerno ang pagpapatupad ng mga bagong batas kagaya ng Magna Carta for the Poor at Universal Health Care Law at ang ikalawang taon ng implementasyon ng Free Tertiary Education Law, unti-unti na ring mararamdaman ng mahihirap nating mga kababayan ang pagbuti ng kanilang kalagayan kasabay ng paglakas ng kanilang kakayahang bilhin ang kanilang mga pangunahing panga­ngailangan.

Kaya nga nagtala man ng bahagyang pagbilis sa 3.2% ang inflation noong Mayo na siyang pansamantalang pumi­gil sa anim na buwang sunod-sunod na pagbulusok pababa ng presyo, kayang-kaya itong tabunan ng mga alituntuning isinasakatuparan na ng gobyerno. Ito rin ang dahilan kung bakit ang BSP ay hindi na mapipi­gilang ibaba ang kanilang policy rates.

Ganito rin ang pana­naw ng Capital Economics ng London sa ekonomiya ng ating bansa. Ayon sa kanila, ang year-to-date inflation ay karaniwang nasa 3.6% lamang at nasa loob pa rin ng itinayang 2-4 percent target ng Bangko Sentral para sa kasalukuyang taon.

Sa pagpasok ng ikalawang bahagi ng termino ng Pangulong Digong, malaki ang kabuluhan ng mga inisyatibong nagpapatatag sa mga pundasyong ito ng ating ekonomiya. Patunay din ito sa lumiliwanag na bukas ng bansa at testamento sa positibong epekto ng Tatak ng Pagbabago.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes:

<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>