Sa taunang State of the Nation Address ng Pangulo, ipinapahayag nito ang mga nagawa ng kanyang pangasiwaan at mga saloobin sa mga isyu ng nagdaang taon. Dito rin niya inilalahad sa taumbayan ang kanyang mga plano sa hinaharap, kabilang na ang direksyong tatahakin ng bansa sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Sa bawat nagdaang SONA ni Pangulong Duterte, napansin ng mga Pilipino ang kagustuhan nitong isan­tabi ang nakahandang talumpati upang kausapin nang diretsahan at ikanga’y puso-sa-puso ang mga nanonood at nakikinig sa kanya nang sa ganoon ay maikunekta ang kanyang diwa at damdamin sa bansang kanyang pinag­lilingkuran.

Ang kontekstong ito ang nagbunsod sa Tanggapan ng Kalihim ng Gabinete, na ating pinamumunuan, upang balangkasin ang konsepto ng Pre-SONA at ang mga ideyang nakapaloob sa taunang aktibidad ng pambansang pangangasiwa.

Kaya sa kauna-unahang pagkakataon noong 2018, napagkasunduan ng anim na cabinet clusters na binubuo ng iba’t ibang departamento at pambansang ahensya na magsagawa ng hiwalay na gawain para sa kani-kanilang paglalahad ng mga naisagawang programa, proyekto at inisyatibo upang bigyang-daan ang mas personal na paghahayag ng Pangulong Duterte ng kanyang mga saloobin sa ating mga kababayan.

Ngayong taon, matapos ang kung ilang buwang paghahanda, unti-unti nang lumilinaw ang mga ilalaman ng mga presentasyong isasapubliko ng mga ahensya.

Ang hamon lamang dito ay kung papaano paiiksiin ang magiging pinal na presentasyon dahil, sa dami ng mga nagawang programa, proyekto at aktibidades ng mga ahensya sa ilalim ng pangangasiwa ng kasalukuyang administrasyon, hindi kakayaning pagkasyahin sa nakalaang oras ang mga ito.

Kaila­ngan ding rendahan ang pagnanais ng ibang ahensyang mailahad din ang kanilang mga nagawang accomplishment sa nakalipas na taon.

Sa gitna ng lahat ng mga hamon, inaasahang maidaraos nang matagumpay ang Pre-SONA forum series na unang isasagawa sa PICC ng Economic Development Cluster sa ilalim ni Sec. Sonny Dominguez at ng Infrastructure Cluster ni Sec. Mark Villar sa unang araw ng Hulyo. Inaasahan ding magsalita si dating DBM Secretary at ngayo’y Bangko Sentral Go­vernor Benjamin Diok­no upang diinan ang temang ‘Tatak ng Pagbabago: Patuloy na Pag-unlad’.

Bibigyang buhay naman sa ikalawang Pre-SONA forum sa ika-10 ng Hulyo ang temang ‘Patuloy na Malasakit at Pagkakaisa’ sa pamamagitan ng mga talumpati sa Cebu nina DSWD Secretary Rolly Bautista ng Human Development at Po­verty Reduction Cluster at ni Interior Secretary Ed Año ng Participatory Governance Cluster kasama ang Department of Budget Management na kasalukyang tinitimon ni Undersecretary Janet Abuel.

‘Patuloy na Katatagan’ naman ang tema sa ika-17 ng Hulyo ng Climate Change Adaptation, Mitigation and Disaster Risk Reduction Cluster at ng Security, Justice and Peace Cluster sa Davao City, kung saan maglalahad ng kanilang mga nagawa si Environment Secretary Roy Cimatu kasama si Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Dalangin ko ang tagumpay ng Pre-SONA 2019 para sa a­king mga kasamahan sa gabinete na may makabuluhang papel na gagampanan sa pagpapaalam sa publiko ng mga ambag ng administrasyong Duterte tungo sa ikaaayos at ikauunlad ng ating bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes:

<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>