Sunod-sunod ang mga batas na nilalagdaan ni Pangulo Rodrigo Duterte, araw-araw — mapapolisiya man, direktiba o malalaking proyekto — laging may bago.
Bangsamoro Organic Law (BOL) at Bangsamoro Transition Authority (BTA) ng Bangsamoro, at kahapon lamang, inilunsad na ng DOTr ni Secretary Art Tugade ang Metro Manila Subway Project. Rumaratsada ang Gabinete at ang Palasyo. Siguradong makikinabang dito ang Pilipino.
Natanong ako noong isang Linggo sa Davao: Bakit daw mabilis ang aksyon ngayon ng gobyerno, lalo na sa dami ng batas, program at mga gawaing pampubliko. Sagot ko: Ang sakit kasi ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan. Kaya buong burukrasya ay pinag-uugnay at pinapagalaw, sino man ang pangunahing ahensyang napag-atangan.
Whole of government approach. Dahil nakataya ang buong bansa, aambag ang buong burukrasya, at lahat tayo sa pagkakataong ito ay dapat akay-akay ang bawat isa.
Ang BOL na lang bilang halimbawa. Matapos manalo ang Yes vote sa mga bayang papaloob sa bagong Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM), opisyal nang hinirang ni Pangulong Duterte noong Martes ang mga kasapi ng BTA upang mangasiwa sa paglilipat ng mga tungkulin at pamamahala mula sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) papunta sa BARMM.
Pangungunahan itong BTA ng mga personalidad at lider ng iba’t ibang grupong nakibaka para sa mas makabuluhang pakikilahok sa pangangasiwa ng Muslim Mindanao. Sa tuktok nito ay si Chairman Al-Haj Murad Ibrahim ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
May mga sektor na nagsasabing hindi daw sila napagbigyan ngunit ayon kay National Security Adviser Jun Esperon, hindi lang lima kundi 12 ang mula sa hanay ng Moro National Liberation Front o MNLF. Sinang-ayunan ito ni Muslimin Sema, isa sa iginagalang na lider ng MNLF. Maging ang ibang mas maliit na pangkat ay may kinatawan din.
Sa isang seremonyang pinangunahan ni Gov. Mujiv Hataman, pormal na ring inilipat sa BTA ang pangangasiwa ng ARMM. Pamumunuan ni Chairman Murad ang BTA bilang interim chief minister sa loob ng tatlong taon.
Upang lalo pang tiyakin na plantsado at walang hahadlang sa mga adhikain ng Pangulo para sa kapayapaan ng rehiyon na akin ding pinagmulan at kinakatawan, nakipagniig na ang Punong Ehekutibo kay MNLF Chairman Nur Misuari — kauna-unahan matapos ang matagal na panahon.
Mga pangunang hakbang lamang ito patungo sa inaasam nating malawakang kapayapaan sa Katimugang bahagi ng bansa. Sa wakas, aarangkada na rin ang gulong ng kaunlaran.
Sa gitna ng ingay ng halalan, maraming mga hakbang at polisiya ang administrasyon na hindi alintana ng karamihan. Marahil, mararamdaman lamang ito sa sandaling humupa na sa Mayo ang batuhan ng putik, alipustaan at bangayan pagkatapos ng botohan.