Noong ikalawang linggo ng Mayo, gumalaw ang Pangulong Rodrigo Duterte upang bigyang laman at kaukulang tulak ang kanyang mga direksyon sa gabinete tungo sa pagpapabilis ng mga hakbang ng pamahalaan kaugnay sa panrehiyong kaunlaran at pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa mga rehiyon.
Kanya kasing inaprubahan ang panukalang pagtatalaga ng mga opisyal ng gabinete bilang Cabinet Officers for Regional Development and Security (CORDS) sa bawat isa sa labinpitong rehiyon ng bansa upang ang mga inisyatibo, programa, proyekto at gawain ng pamahalaan sa bawat rehiyon ay maisama sa kanilang opisyal na katungkulan at pananagutan.
Maliban sa mga tungkuling iniatang sa atin kaakibat ng ating pagkakahirang bilang Kalihim ng Gabinete, itinalaga din ang inyong lingkod bilang CORDS para sa Caraga Region o Region 13.
Sa karagdagang designasyong ito, inaasahan sa mga miyembro ng gabinete ng Pangulo ang pagbibigay daan at pagpapabilis ng pangangasiwang panrehiyon sa pamamagitan ng Whole of Nation at Whole of Government Approach sa lahat ng gawaing gobyerno.
Ang iba pang naatasang maging CORDS sa mga rehiyon ay sina: Acting DBM Sec. Janet Abuel para sa Cordillera Administrative Region; Sec. Hermogenes Esperon para sa Ilocos Region; Labor Sec. Silvestre R. Bello III para sa Cagayan Valley; Sec. Carlito Galvez ng OPAPP para sa Central Luzon; Interior Sec. Eduardo M. Año para sa Southern Luzon; Energy Sec. Alfonso Cusi para sa Mimaropa; Environment Sec. Roy Cimatu para sa Western Visayas; at PA Michael Dino para sa Central Visayas.
Si Sec. Eduardo del Rosario naman ng HUDCC ay itinalagang CORDS para sa Eastern Visayas; Social Welfare Sec. Rolando Bautista para sa Region 9; si Finance Sec. Carlos Dominguez Sr. ang bahala sa Region 11; si Agriculture Sec. Emmanuel Piñol sa Region 12; si Defense Secretary Delfin Lorenzana para sa BARMM; at si Public Works Secretary Mark Villar sa Kamaynilaan.
Aming ipaparating sa Gabinete ang mga panrehiyong pananaw at tutulungan ang Pangulo sa mabilis, mabisa at maayos na pagtugon sa mga suliranin sa mga rehiyong iniatang sa amin, maliban sa pangangasiwa sa mga sama-samang pagpupulong ng Regional Development Council at ng Regional Peace and Order Council upang siguruhing nasa iisang pahina ang mga galaw ng gobyerno sa bawat rehiyon.
Bilang pagtalima sa direktiba ng Pangulo, ating pupulungin ang mga panrehiyong opisyal ng mga ahensya sa Caraga Region sa susunod na linggo upang mabigyan tayo ng pagkakataong makapa nang husto ang mga sitwasyon, mga suliranin at mga hamong kinakaharap ng mga frontliners ng gobyerno sa mga pamayanan at sa lokal na pamahalaan.
Bibigyan din natin ng giya at dagdag na tulak ang mga gawain ng gobyerno upang sa lalong madaling panahon ay makatugon ang pamahalaan at tuluyan nang maisulong ang pag-unlad sa bahaging ito ng Mindanao na kinabibilangan ng mga probinsiya ng Agusan Del Norte, Agusan Del Sur, Surigal del Sur, Surigao Del Norte, at Dinagat Island – na hitik sa likas-yaman mula sa tubig, kagubatan, yamang mineral at higit sa lahat – yamang nakaangkla sa potensyal at likas-kakayanan ng mamamayang taga-Caraga Region.