Ikinatuwa ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, Chair ng Task Force on Zero Hunger, ang pakikilahok ng pribadong sektor sa laban ng bansa kontra kagutuman.

Sa” Kasapatan at Ugnayan ng Mamamayan sa Akmang Pagkain At Nutrisyon” (KUMAIN) Webinar Series nitong Setyembre 16, 2020, kanya ring binigyan ng diin na “ang ganitong pakikipagtuwang at ang makukuhang kaalaman sa gawain ito ay magiging matagumpay para malabanan ang kagutuman at kahirapan sa bansa.”

Ang unang serye ng webinar ay dinaluhan virtually ni Usec. Blesilda Lantayona ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya, Executive Director Azucena Dayanghirang ng National Nutrition Council, G. Jaypy De Juan ng Food and Nutrition Research Institute – Department of Science and Technology, Dir. Jerry Clavesillas ng DTI, G. Rocky Doctor ng Nutridense Food Manufacturing Corporation, pati na rin ang mga kinatawan ng mga kasaping ahensya ng Task Force tulad ng DSWD, DOH, DepED at iba`t iba pang stakeholders.

Ipinaliwanag ni Nograles na ang Webinar Series ay bahagi ng pagtalima ng gobyerno ng Pilipinas sa mga commitment nito sa Sustainable Development Goals (SDG) ng United Nations 2030, partikular ang SDG No. 2 na naglalayong wakasan ang kagutuman at matiyak ang seguridad ng pagkain.

“Nais naming unahin ang nutrisyon ng mga tao, lalo na ang mga batang naaapektuhan ng kakulangan sa pagkain,” ayon sa opisyal ng Malacañang.

Sa pamamagitan ng KUMAIN Webinar Series, magkakaroon ng mga serye ng talakayan hinggil sa mga paraan upang maayos na maiugnay ang mga ginagawang hakbang sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor sa pagkamit sa Ambisyon Natin 2040 at ng Philippine Development Plan 2017 – 2022 “Maginhawa Pillar,” na naglalayong tugunan ang mga usapin sa kagutuman at pagkain.

Ipinahayag ni Nograles na ang kagutuman ay nananatiling isang hamon sa polisiya. Batay sa June 2020 Social Weather System (SWS) Mobile Survey, 20.9% ng populasyon, o 5.2 milyong Pilipino ang nakararanas ng involuntary hunger isang beses sa loob ng tatlong buwan.

Ang figures na tinutukoy ng dating mambabatas ay ang siyang pinakamataas na naitala sa huling apat na taon. Samantala, ang porsyento ng mga hindi sigurado sa kanilang mapagkukunan ng pagkain ay tumaas mula 53.9% noong 2018 patungo sa 64.1% noong nakaraang taon, ayon sa datos mula sa DOST Food and Nutrition Research Institute’s 2019 Expanded National Nutrition Survey (ENNS).

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 101 noong Enero 10, 2020, na nagtatatag sa Inter-Agency Task Force on Zero Hunger sa ilalim ng pangangasiwa ni Nograles.

Kaagad na pinag-aralan ng Task Force ang anim (6) Results Areas or KRAs o KRA habang sabay na nakatuon sa pangunahing mandato nito: ang pagbalangkas sa National Food Policy (NFP). Sinisikap nilang mailunsad ang polisiya kasabay ng pagdiriwang ng World Food Day sa ika-16 ng Oktubre.

“Kami ay bumubuo ng isang matatag na polisiya at bumabalangkas ng patakaran upang matugunan ang isyung dala ng COVID-19 pandemic. Bahagi ito ng ating Zero Hunger roadmap kung saan ang anim nating TWGs ay doble-kayod,” pagbibigay diin ng Kalihim ng Gabinete.

Kabilang sa mga layunin ng KUMAIN Series ay ang sumusunod: (1) bigyan ng sapat na impormasyon ang mga target na kalahok sa layunin ng IATF-Zero Hunger; (2) paghusayin ang kaalaman ng mga food and nutrition implementer sa mga bagong teknolohiya na inilunsad ng DOST-FNRI tungkol sa food fortification; (3) matukoy ang mga pilot areas para sa pag-uugnay ng FNRI adaptors sa EPAHP, at sa mga programang First 1000 Days, Supplementary Feeding Programs and School-Based Feeding program sa buong bansa.

Sa idinaos na Webinar, ibinahagi ni Nograles sa mga online participants ang kahalagahan ng pagpapalawak ng mga zero hunger programs at pagpapalawak ng access para sa ligtas at masustansyang mga produktong pagkain.

“Tumaya tayo sa nutrisyon at kalusugan ng kabataan. Umambag tayo sa kinabukasan ng ating bansa. Maging kabahagi sana kayo sa labang ito ng bayan kontra sa kahirapan at kagutuman. Kapag tamang pagkain ay sapat, panalo tayong lahat.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes:

<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>