Parang trak na rumaragasa, tuloy-tuloy at hindi mapigilan ang arangkada ng Presidential Anti-Corruption Commission bilang katuwang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaban sa korupsyon sa pamahalaan. Sa dami nga ng kanilang mga hinahabol at iniimbestigahan, hindi ko akalaing kakadiwang pa lamang pala ng Komisyon ng kanilang unang anibersaryo.
Pagbati muna kay PACC na siyang mukhang panangga ng administrasyon laban sa katiwalian sa panunungkulan, at sa mga kasapi ng Komisyon. Hindi matatawaran ang inyong ginagawa para bigyan ng ngipin ang mga pahayag at ngitngit ng Pangulo laban dito. Mabuhay po kayo!
Nasa usapin na rin tayo ng paglilinis ng gobyerno, nararapat na isapubliko na ang mga ginagawang hakbang ng mga ahensya ngayon hinggil sa tinuran ng Pangulo sa isyu ng land conversion.
Tama kasi ang Pangulo. Tuwing napapag-usapan ang red tape at sa mga pagkakataong nag-uusad-pagong ang mga transaksyon sa pamahalaan, hindi maiwasang isipin ng mga karaniwang mamamayan na hitik sa padulas at hinihinging konsiderasyon ang mga kawani na naatasang magproseso.Sa nagdaang pagpupulong ng gabinete, inilatag ng Department of Agrarian Reform sa pamamagitan ni Secretary John Castriciones ang mga bagong hakbang upang paiksiin ang “waiting period” sa proseso ng land conversion. Nakaatang sa mga balikat ng kalihim at ni DAR Undersecretary Luis Pangulayan ang trabahong ito.
Ayon kay Usec. Luis, pinagsusumikapan nilang maisantabi na ang sertipikasyon ng Department of Agriculture sa converson, lilimitahan na lamang ang partisipasyon ng mga ahensya sa panahon ng reclassification at ang Environmental Clearance ay magiging rekisito na lamang pagkatapos ng conversion. Babawasan na rin ang mga permit na kinakailangang isumite kaugnay ng mga Conversion Application.
Binawasan na rin ang pagkakataon ng pagkakaantala sa proseso ng aplikasyon. Maaantala lamang ito kapag: May nagprotesta o nagpakita ng katunayang may kaso ang lupang inaaplayan, mga pangyayaring hindi maiwasan (fortuitous events), pagsasagawa ng pagdinig dahil sa protesta at iba pang katulad na pangyayari na sinertipikahan ng pinuno ng ahensyang nagpu-proseso ng aplikasyon.
Kapag kumpleto ang mga kailangang dokumento sa aplikasyon ng land conversion, bibigyan na lamang ang DAR ng tatlumpung araw upang maglabas ng resolusyon na nag-aapruba o nagbabasura dito. Pinipino na lamang ang ilan pang nakitang butas at lubak sa proseso upang sa wakas ay maipalabas na ang kaukulang instrumento na magpapatibay sa mga hakbang na ito.
Nasa usapin na rin lang tayo ng palupa, hindi basta-basta ang pagbibigay-diin ni Pangulong Duterte sa direktang kaugnayan ng pagmamay-ari ng lupang sakahan sa pagpapamayagpag ng kapayapaan tungo sa kaunlaran.
Nakasalalay kasi ang isinusulong na kapayapaan, at pagtuldok sa deka-dekada nang hidwaan sa mga rebelde, sa malawakang pamamahagi ng lupain sa mga mahihirap nating kababayan.